Bakit PAK ang GANERN?
FEU Advocate
October 08, 2016 18:15

Ni Ma. Angela Aguila
Kasabay ng pagiging moderno ng teknolohiya ay ang pagsibol ng mga lengguwahe, salita o mga tunog na nabubuo mula sa malilikhaing pag-iisip ng mga tao. Mga salita na naglalaro at nakikisabay sa pag-agos ng mga mumunting kaisipan na gumagawa nang eksena sa makabagong panahon ating kinabibilangan.
“Pak Ganern” ang salitang angkop para maipakita mo ang iyong emosyon lalo na sa bagong henerasyon. Ito ay kadalasang sumasalamin sa pagkagulat, pagkamangha, pagkagalak o pagmamalaki. Tiyak na ba ang iyong kaalaman sa salitang ginagamit mo paminsan-minsan?
Malaking bahagi ang ginampanan ng social media para matuklasan at makikilala ang salitang “Pak Ganern” sa nakawiwili nitong paraan ng pagbigkas ay marami ang agad nahumaling sa salitang ito. Iba’t ibang bersiyon pa nga ang nalikha para mas maging naka-aaliw pa ang salitang ito. “Pak Pak Ganern!” ang sigaw ng mga batang libang na libang sa paglalaro ng bagong bersiyon ng “nanay, tatay”. Nagawan na rin ito ng sayaw at tono. Maging ang mga sikat na pamagat at linya sa pelikula ay hindi pinalampas. “I need an explanation and Pak Ganern”.
Ayon sa mga ilang depinisyon mula sa iba’t ibang tao online, ang Pak ay nangangahulugan ng mariing pagsang-ayon sa isang bagay. Ang Ganern ay nagmula sa pinaglaruang salita na “ganoon” o “ganiyan”. Mas naging nakatutuwa at malikhain ang simpleng salita.
Kung ang premyadong makata, mangangatha, mandudula, at sanaysayista na si Vim Nadera naman ang tatanungin. Nabanggit nito na malaki rin ang epekto nito sa pagyaman ng wikang Filipino.
“Mula sa orihinal na salitang “tumpak” at “ganoon”, ang “Pak Ganern” [ito] ay polysemous o isang salita o parirala na may maraming kahulugan,” paghahayag ni Nadera.
Aniya malaki rin ang ginampanan ng mga kilalang komedyante sa telebisyon tulad na lamang ni Vice Ganda na nahilig sa pagtuklas at pagpapasikat ng mga kulturang kalye na hindi naman lubos naiiba sa komedyanteng si Joey De Leon.
“Karamihan sa kanila ay stand-up comedian na kumukuha ng joke sa mga karaniwang tao. Gaya ng “Pak Ganern”, mula ito sa masa. Lalo nila itong ipinagkakalat sa tulong ng layo at lawak ng impluwensiya ng telebisyon. Ito ang sistema ng kulturang popular,” pagpapaliwanag pa nito.
Maraming mukha ang mga salita na nagiging representasyon na rin maging katauhan ng pinanggagalingan nito. Alam natin na mahusay ang mga taong bahagi ng LGBT community sa pagpapalago at pagiging maimpluwensya gamit ang mga nakakatuwang salita. Ilan sa mga ito ang “charot’, “witchikels” at maging ang pinahaba at komplikadong pagbigkas ng “oh my God” ang “ermergherd”.
Matatandaang mula kay Maria Sofia Love, isang transwoman na nakabase sa London ating narinig ang salitang Pak. Naging tanyag ito nang dahil sa kaniyang mga video na kalaunan ay naging viral online.
Dahil na rin sa pagiging kilala at madalas na paggamit ng salitang “Pak Ganern!”, mayroong ilang haka-haka na kumalat online mula sa iba’t ibang pahina nito sa Facebook na ito raw ay salitang Latin na nangangahulugan ng pag-iimbita sa mga alagad ng kasamaan.
Ipinahayag naman ni Jonathan Heronimo, isang propesor at mananaliksik ng wika at panitikan sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho ang maaaring dahilan nang pagkabuo ng “Pak Ganern”.
“Dulot nung ating Colonial Elitist Sensibility kung saan binabago natin ang ilang mga salita o paraan natin nang pagbigkas para magkaroon tayo ng social status o magtunog sosyal o mayaman,” paglalahad ni Heronimo.
Mula sa pahayag ng GMA News Online kay Felipe Jocano Jr., isang antropolohiya at propesor mula sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang ganitong uri ng salita ay swak sa panlasa ng mga Pinoy bilang katatawanan.
Likas na sa kultura ng Pilipino ang gumawa ng paraan upang hindi maging mabigat at masyadong malungkot ang pamumuhay. Kaya’t hindi na rin nakapagtatakang maging tanyag kaagad ang ‘Pak Ganern”. Wala mang tiyak na pinagmulan ang Pak Ganern, pero siguradong ito ay ibinase sa mga salitang nakatala sa diksyunaryo.
Makapangyarihan kung maituturing ang mga salita. Pambihira rin ito para sa mga taong tumatanggap at umiintindi sa mensaheng nais iparating nito. Hindi masamang bumuo ng bagong salita. Ngunit hindi rin dapat kaligtaan ang pagpapayaman sa sarili nating wika. Huwag natin hayaang makulong ang bagong henerasyon sa modernong panahon at tuluyang malimutan ang ala-ala ng kahapon.
Other Stories
FEUCSO, IHSN SC call action for MedTech dept concerns
July 19, 2023 17:53
AFP red-tags FEU, Advocate responds
October 04, 2018 19:20
PH universities to face off at first-ever virtual EU Whiz
April 08, 2021 17:05
Looking for Truth: FEU Guides holds Creepiyu VII in search of Sophia
November 04, 2022 08:46
Kumpas ng Pag-unlad: Pagtanaw sa pananaliksik ng DOST-NRCP sa musikang Pilipino
October 04, 2021 02:57
FEU DepComm student films dominate REALIFILM 2023
February 05, 2023 15:16
FEU umabante sa Finals, nakabawi kontra DLSU
August 27, 2022 05:01
FEU Bamboo Band gives tribute to its origin
March 13, 2016 06:36
FEU snatches victory on late surge over top-seeded NU
October 23, 2022 12:13
Rookie Delicana weathers UST to remain undefeated
March 03, 2024 09:06