Muning Kaibigan
FEU Advocate
October 02, 2023 02:50

Hindi madali maging isang irregular student—ang panimulang pangungusap ko sa napakahabang paghuhumyaw na naman sa One Piyu Community.
Malamang sa mga sandaling ito’y tinatanggap na ng mga kasabayan ko no’ng hayskul ang gantimpala matapos magsunog ng kilay ng apat na taon. Samantala para sa akin, ito’y isang karaniwang Lunes lamang—binubuo ng paglalakbay sa palikuran; gawa ng kabang matawag sa recitation sa kursong hindi ko kinagisnan, at pagsisiksik ng sarili sa mga grupong kumpleto na.
Nakaupo sa ilalim ng puno, aking sinuri ang tanawing inaalay ng pamantasan. Mayroong serman ang babad sa initan, minamaniobra ang makinaryang tila Tamaraw sa pag-dispatsa ng mga damo. Kasunod no’n ay makikita ang Freedom Park—ang kabiyak ng dako kung sa’n ako nakapwesto—namumukadkad sa berde’t gintong tanglaw na hindi lamang nanggagaling sa araw at mga puno, kundi sa mga estudyanteng nagpapalipas ng kanilang bakanteng oras.
Sa kongkreto ng court ay tumatalbog ang bola, at sa hangin, ito’y sumisitsit—inaanyayahang tulungan itong makapasok sa net. Katabi ay ang naghaharing Grandstand, kung sa’n sa entablado nito’y may tumpok ng mga nakaputing bayaning simbolo ng paghilom—alaalang ipipreserba sa isang pitik.
Katawa-tawa isipin, na sa ganitong paraan ko nadadama na ako’y mag-isa.
Ang pandinig ko’y busog na busog sa mga nakaw na usapin—kritisismo sa gobyerno, reklamo sa WRP, isyu sa mga terror na prof, tampuhan ng mga mag-jowa, problema sa pamilya; mga paksang ako’y may pakiwari pero walang mapagpalitan.
Kaya’t ininuman ko na lang ng malamig na tubig ang nanunuyong laway, pinasakan ng earphones ang tainga, at nakipagkasundo sa kumakalam na sikmura.
Ang pananghalian ko’y chicken nuggets na may kasamang lumbay at, ah, ube halaya—ang paborito kong panghimagas!
Magarbo na iyon sa ‘kin, kung hapunan ko ba naman sa gabi-gabi’y delata na binudburan ng mga katanungang:
“Pa’no kung ‘di ako nag-transfer? Nag-shift?”
“Ano kayang iniisip ng mga magulang ko?”
“Kailan kaya ako makakapagtapos?”
“Meow.”
Ha?
“Meow.”
Kalinisan ng balahibo't kwelyo ang simbolo na bagaman palaboy-laboy, siya’y napupuno ng pagmamahal, kaya’t gano’n na lamang kadali ang ibigay ito sa iba—sa ‘kin.
Humuni siya sa ‘king tuhod, tila naglalambing. Ako’y natawa sa kiliting dulot, pagkagalak, at rilyebo.
Matagal na panahon na rin ang nakalipas simula nang napag-iwanan ako ng tren ng kapalaran; ako’y nanatili sa istasyon, kayakap ang dilim habang hinihintay ang susunod na byahe. Nakakabagot at nakakapagod, pero kahit pansamantala, hindi na gano’n kalungkot;
Sapagkat, ang aking pagtitipa sa OPC, nakilala ko si Muning—ang aking munting kaibigan.
Other Stories

5 Restaurants in Binondo to Welcome the Year of the Rat
January 26, 2020 10:05

Political Pharisees
November 18, 2021 03:09

FEU coaches express support for former Tams in PH volleyball teams
May 24, 2021 09:10

FEU Chorale member prides Tamaraw talent on GMA’s Tanghalan ng Kampeon
April 08, 2024 07:36

FEU Campus on Ministry observes Ash Wednesday
February 14, 2024 10:48

FEU Comm student exemplifies grit, determination amid pandemic
September 13, 2020 07:35

FEU Tams all set for Season 84
March 16, 2022 04:13

Echoes of Clementines
March 16, 2024 18:01

Failing students in failures of dept
July 19, 2023 12:47

Lady Tamaraws raise hope for twice-to-beat playoffs
April 20, 2024 10:11