Nagliliyab na Adhikain: Pagtingin sa kakayahan at hindi sa kakulangan
FEU Advocate
July 23, 2016 20:17

Walang kapansanan ang magpapaawat sa nag-aalab na hangarin ng isang tao na salat sa buhay. Paralitiko man ang mga paa subalit mayroong taglay na tibay, at lakas ng loob na harapin ang mundong ginagalawan na puno ng pagsubok.
Apolinario Mabini y Maranan, isang paralitong bayani na walang takot na ibahagi ang kaniyang kaalaman para sa kalayaan ng bayan. Isang tao na hindi alintana ang kapansanan para lang makatulong sa bansang sinilangan. Mayroon pa kayang tao na tulad ni Mabini na handang ipamalas ang kakayahan sa kabila ng kakulangan? Tao na hindi takot na sumulong sa riyalidad ng tunay na buhay.
Utak ng nakaraan
Sabay sa agos ng pagbabago ang pagbalik natin sa nakaraan, paggunita ng maliligayang araw ng minsan naging bayani ng ating kasaysayan. Pagbibigay pugay sa taong marahil nagsilbing inspirasyon sa napakaraming mga Pilipino. Bayaning nagparamdam na ang kakulangan ay hindi hadlang upang makamit ang mga bagay na nais nating matamasa.
Ika-23 ng Hulyo, 1864; araw kung kailan ipinanganak ang taong nagsilbing utak ng Katipunan, isang binata na may angking talino na siyang naging isa sa mga dahilan ng pagkamit natin sa kasarinlan ng Pilipinas. Isang paralitiko man kung titinignan, isang bayani namang maituturing ng napakaraming Pilipino.
Ayon kay Leticia Bernabe, 73 taong gulang at isang retiradong guro ng Isulan Central Elementary School, "Apolinario Mabini is the sublime paralytic, siya ang utak ng Katipunan. He is the sublime hero during the time of revolution, a great hero for Filipinos."
Nagsilbi ding isang halimbawa si Mabini dahil sa pag-asang iniwan niya sa bayan. Hindi man ipinanganak na paralito, ang sakit na dumapo sa kaniya ay nagsilbing tulay upang patunayan ang kanyang sarili sa iba pang mga tao. Dagdag pa ni Bernabe, “He is an example because of his intelligence.”
Saliw ng pangarap
Indak dito, indak doon, kembot dito, kembot doon; pagsasayaw na marahil ang nagmulat kay Janamhal Raniel Daligdig sa mundo, kung saan sa kabila ng kapansanan ay pilit pa ring kumikilos, maiahon lamang sa kahirapan ang pamilyang naghihikahos sa buhay.
Sa kanyang paglaki kaakibat na niya ang sakit na polio, kapansanan na hindi naging handlang sa kanyang pag-abot ng mga pangarap sa buhay. Kakulangan na tila nagbigay kulay sa ibang tao upang masabayan ang bawat pagsubok na darating.
“…ang pagsasayaw ay hindi para magpasikat o para masabi na dancer ako, kundi para maka-inspire pa ng ibang tao especially ‘yung mga PWD (Persons with Disabilities) kasi kung kaya ko, kaya rin nila, pagbabahagi ni Daligdig.
Sa paglalakbay niya sa mundong tila puno ng mapangutya’t mapanghusgang mga mata, mas minabuti niyang sundin ang sinasabi ng kanyang puso. Mayroon mang kapansanan na dinadala, hindi inalintana nito ang negatibong pagtingin sa kanya ng iba kung hindi mas minabuti niya itong tignan sa positibong pamamaraan.
“Para sa akin itinuring ko na lang itong motibasyon dahil para sa akin, walang imposible para magawa ang lahat, [kung saan] hindi hadlang ang kapansanan upang magawa ang mga bagay na akala ng iba ay imposibleng magawa ng mga taong may kapansanan tulad ko,” aniya.
Halintulad sa dakilang paralitiko na si Mabini, ginawa niya lang ang sa tingin niyang tama na tila sumasalamin sa napilayang buhay ni Daligdig. Hindi hadlang ang hirap ng kalagayang pinapasan dahil nagsisilbi itong lakas sa nanghihinang loob.
“…pero dahil sa mga taong nakapaligid sa akin na walang tigil akong sinusuportahan at nagtitiwala sa kakayahan ko at hindi ako pinapabayaan. Maituturing ko itong isang napakagandang panaginip kasi feeling ko I’m just like in a dream that is full of wonderful memories and happenings,” sambit niya.
“…maging malaya at masaya lang tayo sa pag-abot ng ating mga pangarap. Basta to all Persons With Disability, the best revenge is success and we are not disabled, we are able because of our ability,” dagdag pa ni Daligdig.
Simpleng mamamayan mang ituring o bayani sa kasaysayan, lahat ng tao sa mundo ay may puwang sa pagpapahalaga at respeto ng bawat isa. Kahit ano pang pasanin ang mayroon sila, madapa man ng ilang beses ay natuto pa rin silang bumangon at magpatuloy sa yugto ng buhay. Hindi man lingid sa lahat ang karamdamang bitbit nila ngunit patuloy sila sa paghakbang tungo sa tagumpay na minimithi.
- Johaira Lou B. Ambor, Jhon Patric A. Nicolas at Ilona Joy M. Puente
Other Stories
Behind the Reels
October 01, 2021 09:59
FTG takes digital world with de Jesus' Kung Paano Maghiwalay
March 23, 2021 06:51
BA in Google Translate
August 30, 2022 16:29
Cacao on being UAAP player of the week: ‘Ginagawa ko lang po ‘yung role ko sa loob ng court’
February 28, 2024 12:49
SPARKS YEAR 5: Love in the Digital Age
February 12, 2021 08:32
FEU Guides’ 4th Tamarace prides campus buildings
March 18, 2024 13:40
Pasko sa Piyu 2018 highlights FEU Christmas celebration
November 16, 2018 20:00
Petallo, Tagaod lead FEU in five-set thriller vs UE
February 25, 2024 10:09
Estero’s Mermaid
May 19, 2023 05:06
Psych juniors celebrate pinning ceremony, await immersion
March 24, 2024 05:03