Opisyal na Kampit
FEU Advocate
April 18, 2022 06:11

ni Rea Ronna Payongayong
Kung walang magandang sasabihin, mabuti pang itikom na lamang ang bibig.
Malaking gampanin ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko ngayong tumatayo rin ito bilang mahalagang armas natin laban sa pandemya. Ang mga binibitawan na salita ng mga namumuno sa gobyerno ang tanging gabay natin sapagkat sila ang itinuturing na mas nakakaalam ng tamang datos ng kalagayan ng lipunan. Subalit, paano kung unti-unting nasisira ang tiwala ng sambayanan dahil sa pagiging taklesa ng mga anunsyong pampubliko?
Kamakailan lamang nang magbanta ang pangulo na ipakukulong nito ang mga Pilipinong tumatangging magpabakuna. Bagaman naisaad noon na boluntaryo lamang ito, dala ng takot ng mga mamamayan, daliang sumugod ang marami sa mga bakunahan sa Metro Manila. Nagresulta ito ng paglabag sa mga gabay pangkalusugang ipinatutupad sa publiko.
Dala ng desperasyong makapagpabakuna dahil sa takot na makulong o hindi makapag hanapbuhay, pumila sila nang madaling araw, tiniis ang init ng tanghaling tapat, at piniling lumiban sa kanilang mga trabaho upang magkaroon ng kahit kapirangot na pagkakataon na makapag-iskedyul ng kanilang pagpapabakuna.
Gayunpaman, walang kasiguraduhan ang pakikipagsapalarang ito. Mulat sila sa posibilidad ng hawaan, subalit hindi rin naman sila masisisi lalo na’t marami ang nakasasalay rito: karapatan, buhay at kabuhayan.
Isa lamang ito sa maraming halimbawa ng kapabayaan ng pamahalaan pagdating sa paghahatid ng balita at opisyal na anunsyo ukol sa pampublikong gabay pangkalusugan kontra COVID-19. Panahon na upang humingi ng pananagutan mula sa mga opisyal na nagkakamali at nagiging punong sanhi sa pagdadala ng panganib sa mga aspetong nakasalalay ang kaligtasan ng mamamayan.
Maihahalintulad ang mga salita sa espadang may dalawang talim - mayroon itong kapangyarihang magpasiklab ng inspirasyon at pag-asa, ngunit kaya rin nitong magparamdam ng takot at pagdurusa. Dapat ilagay sa mas mataas na pamantayan ang mga naglilingkod sa ating bayan. Hindi makatuwirang humingi lamang ng paumanhin o daanin sa biro ang mga ganitong usapin sapagkat literal na buhay nating mga Pilipino ang nakasalalay sa bawat salitang kanilang binibitawan.
Mayroon pa ba kayong naiisip na taklesang pahayag mula sa mga namumuno ng ating gobyerno? Ibahagi ninyo sa akin sa reapayongayong@gmail.com.
Other Stories

Who is FEU’s new King Tamaraw?
September 17, 2018 07:00

FEU-Manila, FEU-NRMF alumni top November 2021 nursing boards
December 11, 2021 11:36

Fire hits UE Manila
April 02, 2016 16:41

FEU’s Tolentin scores 2 to keep undefeated record
April 13, 2024 11:14

Queen Tamaraws: Pons, Palma and Negrito
July 18, 2016 21:48

FEU Comm Soc’s Midya Noche features various social media influencers
September 07, 2020 12:38

FEU registers 509 new Nurses in November 2023 PNLE
December 10, 2023 10:51

Saavedra’s 16 points outshine Red Warriors, extend winning streak to 7
April 17, 2024 07:45

Language of War or Love?
February 10, 2022 03:35

Cabatac out for season 85 to prioritize recovery of injured leg
March 21, 2023 09:53